Concerned Artists of the Philippines (CAP):
Pahayag ng pakikiisa sa CCP Vendors at Bike Operators
Buhay ang Drama sa Cultural Center
Ilang hakbang sa labas ng pangunahing gusali ng Cultural Center of the
Philippines (CCP), may drama sa totoong buhay. Ilang hakbang mula sa
CCP ay ang Plaza Ulalim. Naririto ang mga tindahan ng vendors at bike
operators. Sila'y tinatangkilik ng di iilan dahil ang kanilang paninda
at libangan na pagpapa-arkila ng bisikleta ay abot-kaya kaysa ibang
establisamento sa baybayin ng Manila Bay, o sa CCP complex mismo.
Enero 31, 2007. Alas-9 ng umaga. Yumanig ang lupa sa Plaza Ulalim nang
pumasok ang mga trak, bulldozer at forklift. Bumaba ang mga 400 tauhan
ng MMDA. Dirediretso sa mga tindahan. Pinukpok! Sinira! Dinistrongka!
Parang mga asong ulol!
Napaatras ang mga vendors. "Sino ang inyong pinuno? May kasunduan kami
ng Cultural Center! Irespeto nyo ito!" hiyaw nila sa kanilang
megaphone.
"Formation!" ang sagot ng dumadagundong na loud speaker sa trak ng
MMDA. Huminto. Nag-formation ang mga asong ulol.
"Kunin niyo kung anong makukuha ninyo! Walang ibabalik!" ang sunod na
order. "GO!"
Naglabasan ng mga pangil. At, mula sa mga pangil ay tumulo ang laway,
nilapa ang mga pagkain at sopdrinks na paninda!
Nagpatuloy ang kahayupan. Kinumpiska ang mga materyales ng tindahan.
Hinablot ang mga yumakap sa kanilang kagamitan at pinagtutulak
palabas. Kinumpiska ang mga upuan, balde, pinggan, kubyertos, gasera,
bisikleta... oo, kumpiskado maski bisikleta na pinundar mula sa 13th
month pay ng anak ng vendor.
Rumatsaga ang forklift. Dinakma ang stall ng vendors'coop. Tumba!
Umabante ang buldozer. Sinuyod ang mga tindahan. Giba! Hayop talaga!
Alas-12 ng tanghali. Umaagos ang luha ng hinagpis. Winasak na ang
kinabubuhay. Pero, buo parin ang loob ng mga vendors na ipaglaban ang
karapatan nilang mabuhay. Nagmartsa sa CCP. Iginiit ang kasunduan.
Mayroon silang pormal na kasunduan sa CCP. Nakatakda dito ang kanilang
pagpwesto, pagayos, paglinis at pagpaganda sa lugar, paglikas
pansamantala kung kinakailangan, at ang pag-integrate sa kanila sa CCP
Master Development Plan.
Alas-5 ng hapon. Nasa bungad parin sila ng CCP. Wala pang humaharap na
opisyales ng pangunahing institusyon ng sining at kultura.
Isang araw bago ang kalagiman, sinabi ng kinatawan ng CCP na ang
demolisyon ay direktiba ng Malacañang; wala daw silang magagawa. Sa
isang salita, sorry? "Sorry"— ito ba'y haplos ng nakikiramay? tapik
ng walang pakialam? o dagok ng nang-tsutsupi?
Alas-5:30 ng hapon. Tinaboy muli sa banta ng dispersal ng mga polis.
Napilitang umatras.
Bumalik sa Ulalim ang mga vendors para kunin ang mga gamit nilang
masasalba pa. Sa harap ng sakdal na lumulubog na araw sa Manila Bay,
wumasiwas ang mga baton ng demonyo (MMDA, walang ID)! Nangbugbog,
nanghampas ng silya, nambasag ng timba sa ulo ng mga taong kukuha ng
sarili nilang pagaari.
May ilan pa sana silang natago sa may baybay dagat. Di naman
sing-halaga ng batong diamante. Ito'y tulad lang ng ilang pirasong
butong (buko). Panawid sana sa mga susunod na araw na walang kita.
Pero nandyan si Commander Danao, Head Security ng CCP, para ituro sa
demonyo ang pinagtataguan at isama sa kumpiskado. "Sorry" parin ba ang
sagot dito?
Bakit demolisyon? Ang mga vendors daw ay "masakit sa mata."
Masmasakit ang magbulag-bulagan sa kahirapan, dahil asal hayop ang
magiging pagturing sa kapwa. Masakit ang maging mahirap, pero hindi
ito kriminal.
Bakit demolisyon? Ito daw ay sa ngalan ng pagunlad (development) .
Pagunlad para kanino? Para sa mga investors na malalaki at mayayaman?
Aba'y sobra-sobra na ang kanilang milyones hanggang sa ika-siyam na
buhay nila. Ang tunay na kaunlaran ay isang lipunang may oportunidad
makapag-hanapbuhay at mabuhay ng marangal ang mga mamamayan. At, isang
lipunang may kulturang kinikilala ito.
Hindi nagwawakas dito ang buhay na drama sa CCP dahil tuloy ang
pakikibaka ng vendors para sa kabuhayan. Ang lakas nila'y mula sa
sama-samang pagkilos at pagbubuklod sa ilalim ng Federation of CCP
Vendors and Bike Operators, Inc. Ang pagsulong ng pakikibakang ito ay
kasabay ng pakikibaka ng iba pang mga organisasyon para sa mga
saligang karapatang pantao. Isa kami, ang Concerned Artists of the
Philippines, sa nakikiisa sa pederasyon at iba pang maralita.
Tinatawagan namin ang mga opisyales ng CCP na respetuhin ang
kasunduang nilagdaan nila. Tinatawagan namin ang mga kapatid naming
alagad ng sining sa loob at labas ng CCP na suportahan ang isyus ng
CCP vendors at bike operators, ikundena ang karahasan ng mga ahente ng
Malacañang, at isulong ang isang CCP Master Development Plan na
maglilingkod sa lahat, mayaman man o maralita.
Ang pakikibaka para sa interes ng nakararami ay kasabay ng pagsulong
natin ng marangal na kabuhayan bilang mga alagad ng sining.
Ibalik ang kabuhayan ng CCP vendors at Bike Operators!
Tutulan ang "programang pangkaunlaran" na magsisilbi lang sa iilan!
Ibagsak ang kontra-mahirap na regimeng US-Arroyo!
Mabuhay ang makabayang artista!
Mabuhay ang mapagpalayang sining at kultura!
27 Pebrero 2007
Concerned Artists of the Philippines
Reference: Soc Jose, Secretary General
No comments:
Post a Comment