Ika-30 Anibersaryo ng Minsa’y Isang Gamu-gamo
“My brother is not a pig…ang kapatid ko ay tao, hindi baboy damo!” Ito ang mga katagang namutawi sa bibig ni Corazon dela Cruz bilang paninindigan laban sa mga dayuhang kumitil ng buhay ng kanyang pinakamamahal na kapatid. At ito rin ang mga katagang hanggang sa kasalukuyan ay umaalingawngaw partikular sa kaso ni Nicole laban sa kanyang mga inakusahang lumapastangan sa kanyang dangal.
Sa darating na Linggo, ika-17 ng Disyembre, 3:00 pm, muling matutunghayan ang pelikulang Minsa’y Isang Gamu-gamo sa Tanghalang Manuel Conde ng CCP. Ang espesyal na pagpapalabas na ito ay inihahandog ng International Circle of Online Noranians, sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines at Premiere Productions bilang pag-gunita sa ika-30 anibersaryo ng nasabing obra ni Ms. Lupita A. Concio.
Isa sa mga pelikulang tunay na Filipino sa diwa at nilalaman, matapang itong nanindigan laban sa mga base militar ng Estados Unidos sa bansa. Bagama’t tatlumpung taon na ngayon, nananatiling buhay ang makabayang mensahe ng Minsa’y Isang Gamu-gamo.
Nagbigay-pugay sa pelikula ang Feminist Centennial Film Festival noong Nobyembre 2005 dahil sa apat na babaeng may pangunahing papel sa paglikha nito: si Lupita Concio, ang direktor; si Digna Santiago, ang executive producer; si Marina Feleo-Gonzales, ang sumulat; at si Nora Aunor, ang bidang aktres.
Humakot ang Minsa’y Isang Gamu-gamo ng major awards sa FAMAS para sa taong 1976, kabilang ang best picture, best director, best screenplay, best story, at best editing (Edgardo Vinarao). Sa 1976 Filipino Film Festival, nagwagi ang Minsa’y Isang Gamu-gamo sa kategorya ng best story at best editing. Mula sa mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino, umani ang Minsa’y Isang Gamu-gamo ng mga nominasyon para sa pinakamahusay na pelikula, direksiyon, dulang pampelikula, at pangalawang aktor (Paquito Salcedo).
Unang ipinalabas ang Minsa’y Isang Gamu-gamo noong Disyembre 25, 1976, bilang bahagi ng Ikalawang Pista ng Pelikula Pilipino. Naging paborito itong itanghal sa mga pambansang pagdiriwang tulad ng Philippine Centennial Film Festival (1998) at Sangandaan Fil-Am Film Festival (2003). Itinampok ang Minsa’y Isang Gamu-gamo bilang opening film sa Bay Area Asian-American Film Festival noong 1985. Ipinalabas din sa Lincoln Center ( New York ) noong 1998 bilang bahagi ng Filipino Film Retrospective at sa Guggenheim Museum noong 1999
Kasama sa mga gumanap sa Minsa’y Isang Gamu-gamo sina Jay Ilagan, Gloria Sevilla, Perla Bautista, Eddie Villamayor, Lily Miraflor, Leo Martinez, Nanding Fernandez, Luz Fernandez, German Moreno, Carlos Padilla, Jr., Michael Sandico, at Ricky Sandico.
Sa mga nais manuod ng Minsa’y Isang Gamu-gamo, makipag-ugnayan po lamang kay Mr. Albert Sunga (amsangel1217@yahoo.com).
No comments:
Post a Comment